Nakaugalian na ng marami sa pamilyang Pilipino tuwing sasapit ang Bagong Taon na maghanda ng mga pagkaing hugis bilog simbolo ng kasaganaan (pera).
Sa aming tahanan, dapat ay pinupuno rin ang lalagyan ng mga bigas, asin, at asukal. Dapat din ay may bagong bili (at hindi pa binubuksan) na bote ng toyo, mantika, at ketchup. Sa tradisyong bilog-bilog, labintatlong piraso ng ubas at chocolate gold coins ang sinasabit namin sa mga bintana at sa pinto.
Bagamat hindi naman compulsory sa amin ang magsuot ng polka dots, (pero ang nanay ko, magsusuot at magsusuot pa rin!) ang mahalaga ay may mga baryang laman ang bulsa mo bago maghatinggabi.
Higit sa lahat, pagsapit ng alas dose, at nagsimula nang magpaputok ng labintador ang mga kapitbahay, magsisimula na ring mag-ingay sa loob ng aming bahay. Hindi naman kasi kami mahilig magpaputok kaya ayos na sa amin ang torotot. Dati, ginamit ng kapatid ko ang piano na may sari-saring sound effects kaya may putok ng baril, sirena ng sasakyan ng pulis, nabasag na salamin, at iba pang tunog na masakit sa tenga kapag hindi Bagong Taon.
Saka na papasok ang role ng nanay ko, ang aming patron ng Bagong Taon.
Pangungunahan niya ang pangangalampag gamit ang kaldero at takip nito. Ito ang hudyat na kailangan nang iwan ng bawat isa sa amin kung ano man ang ginagawa para kumuha ng kani-kanyang kaldero o kahit anong kasangkapan basta’t makalilikha ng ingay.
Simula na ng parada ng kaldero.
Wala namang partikular na order basta’t ang mahalaga ay maikot namin ang buong bahay – salas, kusina, banyo, at kuwarto. Noong nasa baryo pa kami, nakakaabot kami hanggang sa bakuran. Sa mga ganitong sandali, sinasara ko ang aking tenga sa nakangingilong pagkaskas ng stainless na sandok o kutsara o tinidor sa takip o puwit ng kaldero o sa lata ng Selecta. Ginagawa raw ito para itaboy ang masasamang ispiritu. Kaya mula noon ako na ang naging punong tagapagkalampag sa loob ng banyo.
Pagkatapos ng highlight, may post-highlight pa. Saglit na mawawala ang nanay ko at kami naman ay balik sa naantalang ginagawa. Bigla-bigla maghahagis siya ng barya at kami ay magdadambahan sa pag-aagawan. Sunud-sunod at parami nang parami ang maglalaglagang barya, na may halong mga Hershey’s Kisses pa. Pero hindi maganda ang karanasan ko sa ganito. Palibhasa’y ako ang pinakamaliit noon, ako yung naiipit, naagawan, at natatapakan sa agawan. Kung hindi ako napagbibigyan malamang wala akong makukuha. Palagi rin, paos ako kinaumagahan. Paano’y hindi ko mapigilang humiyaw habang nakikipag-agawan. Isang beses din, umiyak ako dahil inagawan ako sa mga naagaw ko. Nasa retrato naming magkakapatid na kinunan noon sa may hagdanan ang ebidensya. Pugto ang aking mata at nakasimangot.
Gayunpaman, pagputok ng umaga ng unang araw ng taon, abala na ako sa aking trabaho sa silong ng bahay namin sa baryo. Sinusuyod bawat sulok ng bakuran, kinukutkot ang lupa, at kung maaari ay binubunot ang damo, matiyak lang na lahat ng mga nakatakas na barya at tsokolate sa paagaw kagabi ay narekober nang lahat.