Wednesday, February 25

ANG TAMPALASANG TSAA NA TINIMPLA KO SA LANGIT

Nag-absent ako sa klase nang tatlong araw dahil dadalo kami sa huling lamay at pagkatapos ay libing ni Lola sa Roxas City.

Sumakay kami sa eroplano.

Hindi ko na maalala kung ilang oras (o minuto) ang itinagal ng biyahe mula sa Maynila. Pero sapat na para alukin kami ng flight stewardess ng inumin.

Sa window side ako napapuwesto at dala na rin ng kasabikan dahil unang beses ko noong sumakay ng eroplano, siyang-siya ako sa pagmamasid sa mga nagpuputiang ulap sa ere. Sa gitna ng aking pagsa-sightseeing, dumating ang aming pagkakataon at tinawag na nga ang aming pansin ng nagtatanong na flight stewardess.

"Coffee, tea or juice?"

Nakigaya lang ako sa mga kapatid ko at iniabot naman ng mabait at nakangiting stewardess ang aking inorder. Isang styrofoam na baso at isang "pakete ng kung anu-ano" na naglalaman ng table napkin, toothpick, creamer, etcetera.

Agad kong binuksan ang "pakete ng kung anu-ano" at inilatag ang table napkin sa aking maliit na mesa. Pagkatapos ay binuhos ko ang creamer sa aking styrofoam na baso at kinuha ang stirrer at nagsimulang maghalo.

Saka ako nagmadaling tikman ang aking natimpla.

Napaso ang aking dila sa unang paglapat ng likido kaya dikta ng instinct, agad kong hinipan ang aking styrofoam na baso.

Sa ikalawang pagkakataon, tinikman kong muli ang aking inumin, pero siyempre marahan na at may buong pag-iingat. Naka-adjust na ang aking dila sa temperatura at nag-umpisa nang gumana ang sensasyon nito.

Nalasahan ko na ang tsaa.

Nakita ng mga kapatid ko ang aking hitsura. Hindi ko na ito nagawang itago dahil ewan ko, nagulat din siguro ang utak ko. Tinanong nila ako. Inusisa at ipinagpaliwanag. Saka sila naghagalpakan sa tawa.

Tinanggap ko nang buong puso ang aking pagkatalo at inubos ang lintik na inumin na nagdulot ng labis-labis na kahihiyan sa akin bago pa man tuluyang lumapag sa aming destinasyon ang eroplano.

"Alam mo ba kung anong ininom mo?"

...

"Tea with cream!"

Sunday, February 22

SUSMARYOSEP!

Mga magulang, alam n'yo ba kung anong pinaggagagawa ng mga anak n'yo? Abala silang lahat mag-post sa Friendster Bulletin!

Now
your mom will die
in
4 hours
unless ...
You repost it with any of these titles:
1) I'm in love with a star
2) I have AIDS
3) My ex boyfriend turned out to be gay =[
4) I moved
5.) I ♥...someone on my featured friends....GUESS WHO?
6) My FISH drowned:(
7) my liver hurts:[[
8) I killed a cat
9) I'm spiderwoman
10) I ate a sour octopus
11) My mom caught me making out
12) Bush Died
13) Psssh I don't like u anymore dude sorry I found some 1 new
14) i want a baby
16) im not a virgin anymore
17) stupid BITCH i hope you read this..
19) im engaged
20) i want you
21) IM IN LOVE WITH THIS NEW KID NAMED ZIGGY
22) im tired of boys and their periods
23) im tired of girls and their periods
24) I really like him =(
25) c
26) im moving schools
27) he's such a thing !
28)Sorry babe it's over
29)im gay
28)Yes Im 2months pregnant so stop askin.
29) youre all invited to my engagement party.=)
30)MaMi na Qoh>,<

Heto pa...
OMG!why'd did you open this??'coz u've opened it,you have to repost this or else one of the important persons in your life will die!!just choose your title below!!
a.hala,bakit may ganon?
b.ang landi mo!!^^
c.alam mo crush kita
d.gago,tangina mo!!
e.mamatay ka na!!
f.u've hurt me so much!!:(
g.cno nakikipagbalikan?
h.lagot ka pare..ba't mo binuntis?
i.aus lng un!!
j.mag on na ba tau?
k.mas mahal kita,bt hindi mo ba ramdam?
l.magsama kau!!bagay naman kau eh!!
m.'kaw pa lng nagpaiyak skin!!T_T
n.two timer ka!!
o.niloloko ka na nga eh,cge ka pa rin!!
p.i luv u but i nid to set u free!:(
q.wala kang kwenta!!
r.surbeii..haha^^
s.break na tau!
t.pwede manligaw?
u.pwede magapply na bf/gf mo??
v.leche ka!!
w.may multo daw?
repost this now!!wala namang mawawala db?kaya lng,pag d mo nirepost,may mawawala sau na tao importante sa buhay mo!kaya,go..repost mo na

Tsaka 'to...
MY MAMATAY SA PAMILYA MO
pg d mo ni re post'.
sori biktima din ako
-GAGAWIN MO BA LAHAT PARA SAKIN???
-MAHAL MO BA TALAGA KO???
-MAGING TAYO PA KAYA???!!
-PWEDE BA MANGLIGAW???
-GUSTO MO TAYO NA??
-TAYO PA BA????
-DATE TAYO BUKAS...
-LIBRE KITA...ANO GUSTO MO????
-SUNTUKAN TAYO NGAUN NA!!
-KUNG MAHAL MO KO, GAWIN MO NGA TO!
-DOTA TAYO BKA NO MATCH KA SAKIN!!!!
-CNU PEDE LIGAWAN DYAN..
-GAWIN MO 2 PARA SAKIN...
-ADD NYO KO SA YM...
-COMMENT NAMAN DYAN!!!!
-BAGO KONG FS...ADD NYO KO HA!!!
-AYUSIN NYO FS KO HA....E2 PASSWORD KO
-AYOKO NA PUMASOK KHIT KAILAN....
-YEHEY!!!WALANG PASOK...
-BREAK NA TAU!!!!
-AYOKO NA SAU!!!
-SAYO NA SYA AYOKO NA EH...
-SAYO NA LNG GF KO...
-SAYO NA LNG BF KO...
-MY GUS2 KO S GF MO HIWALAYAN MO NA SYA...
-MY GUS2 KO S BF MO HIWALAYAN MO NA SYA...
-SIRAAN BA GUS2 MO??!!!!
-ANO GUS2 MO,, AWAY O GULO??!!!!
-PUNTA KAU SAMIN MY SSBIHIN AKO...
-ANG DAMI NAMAN NG ASSIGNMENT!!!!
-YARI....WALA KMI IP
--D AKO MAKAKAPAG FS NGAUN..SORRY HA
-SURBEY!!!
-SAGUTAN NYO OH ANG GANDA NG MGA TANONG...
-MAY SURPRISE AKO SAYU!
MERON KANG 10 MINUTO PARA IREPOST


Kaya wag n'yo pagagalitan. Kita n'yo naman o, nililigtas kayo!

Tuesday, February 17

PAMBIHIRA WALANG NAG-TAG SA AKIN

I-ta-tag ko ang sarili ko.


25 Random Things About You


  1. Lapitin ako ng mga aso. Pag may nadadaanan akong aso, palagi akong sinusundan mula sa likuran. Inaamoy ang puwet ko. Hindi ko alam kung bakit. Tingin ba nila sa akin, isa akong bitch?

  2. Ayoko sa mga bata (toddler) kasi nanghahawak sila ng puwet.

  3. Hindi ako gumagamit ng mouthwash. Basta hindi lang ako nasanay. Hindi naman kasi 'yan uso noon e.

  4. Nako-conscious ako sa boses ko pag nagsasalita ako kaya madalas sa mga usapan, ako ang siyang tagapakinig. Akala tuloy nila sadyang tahimik akong tao.

  5. Hindi ako natatakot maglakad nang mag-isa sa gabi, kahit gaano pa umano kadelikado. Iniisip ko kasi pwede naman akong tumakbo.

  6. Kinakagat ko ang dulo ng tinidor. Nakasanayan ko na kasi mula nung bata tuwing maghahain si Inay nang mainit pa ang kanin tapos wala namang ibang magawa habang naghihintay sa hapag. Bawal naman umalis dahil bastos daw 'yon. Siyempre ayoko namang malintikan kay Inay.

  7. Naranasan ko nang makakita ng hayop na tumae sa harapan ko habang kumakain ako. Ambastos 'no? Nang minsang magpunta kami sa zoo, dumaan sa harapan naming magpipinsan yung ostrich sabay tae habang kumakain kami ng ice cream.

  8. Takot ako sa hayop na baboy. Basta!

  9. Hanggang ngayon tumatabi pa rin ako sa kapatid ko pag natutulog. Hindi naman sa duwag ako at di ko kaya mag-isa. Sikolohikal siguro. Kasi comforted ako na naririnig ko 'yong sa iba bukod sa sarili kong paghinga.

  10. Hindi ako nag-uunan sa aking ulunan.

  11. Pakiramdam ko noon ako si Cinderella dahil sa biniling pares ng glass slippers ng Ate ko para sa akin. Oo, as in glass slippers!

  12. Punggok ang kuko ko.

  13. Hindi ako natutong magbisikleta gamit ang mountain bike. 'Yong huli kong subok, bumangga ako sa poste ng ilaw sa aming barangay. Ewan ko kung maraming nakakita pero mula noon hindi na ako uli sumakay sa bisikleta.

  14. Kutuhin ako noong bata. Sobra!

  15. Hate na hate ko ang subject na Statistics. Naloloka ako pagdating sa problem-solving sa Probability. Nagkataon pang baguhan lang 'yong aming naging instructor sa klase noon.

  16. Takot ako mabasa ng ulan. Agad akong nilalamig matuluan lang ng ilang patak.

  17. Nangongolekta ako dati ng Popsicle magazine. Minsan, nagpadala ako ng liham sa kanila at nabasa ng isang kakilala. Sinabi nito sa highschool teacher ko at sinabi naman ng maestra ko sa akin, bale sa amin, sa loob ng klase.

  18. Mahilig ako tumingala sa kisame.

  19. Ayokong nakakatabi 'yong mga batang amoy-araw na naglalaro ng DOTA sa computer shop sa may kanto. Halos malasahan ko yung maalat na amoy ng tumatagaktak na pawis nila sa kanilang batok at likuran.

  20. Hindi ko kinakain 'yong bawang na buo sa adobong mani. Maliban na lang kung tinadtad nang pinung-pino at hindi ko na matutukoy na bawang na pala ang naisubo at nginuya ko.

  21. Ayoko ng mga pagkaing maanghang.

  22. Hindi ako nagkaroon ng Barbie noong bata ako. Kung mayroon man akong naging doll, 'yong nabibili lamang sa mga bangketa malapit sa palengke. 'Yon bang madaling matanggal ang leeg, hollow yung loob ng katawan, at maputla. Hindi gaya ni Barbie doll na solid at tanned.

  23. Ayoko ng mabaho. Sino ba'ng may gusto?

  24. Paborito ko ang repolyo. Hilaw man o luto kinakain ko ang repolyo. Mabubuhay ako ng repolyo lang ang kinakain. Pero mas OK siguro kung may kasamang dressing o di kaya naman e may sahog na karne sa nilaga, halimbawa.

  25. Ayoko ng maingay. Palibhasa laking probinsiya ako, sobrang pasakit ang naranasan ko sa paninirahan sa isang lungsod gaya ng Kamaynilaan.

Monday, February 16

ANG BADING KONG PAG-IBIG

Naaalala ko sa kanya si Andres Bonifacio.

Nagkita kami noon sa Laguna. Hindi maikakaila ang kanyang angking galing sa pananalita. Mahusay siyang ispiker. Katunaya'y sa pag-uusap namin, napag-alaman kong palagi siyang pambato ng kanilang iskwelahan sa mga pakontes gaya ng Declamation, Oration, at Extemporaneous Speaking contest. Halos marinig ko ang pagkampay ng mga pakpak ng aking puso, wari bagang nagpupumilit makalipad patungo sa kanyang kinaroroonan. Doon. Papunta sa kanyang tinitirahan.

Sa Cavite.

Naging one-sided ang aming pag-uusap: siya ang tagakuwento, ako ang tagapakinig. Pero ayos lang. Sa katunayan, nasa akin ang advantage dahil andami kong nalalaman sa kanya nang hindi na ako nangangailangan pang gumawa ng hakbang para siyang mismong magtanong sa kanya ng mga bagay-bagay na tungkol din naman nga sa kanya. Pero nang dahil din sa pag-uusap naming ito napansin kong unti-unti namang lumalabo ang aking bisyon ng isang de-kuwadrong larawan naming dalawa.

Nang matapos siyang magkuwento, saka naman niya inumpisahan ang pagtatanong. Pero sa halip na ako ang tanungin niya, ang tinanong niya ay ang mga bagay-bagay tungkol kay HAM.

Tungkol kay HAM.

Kay HAM na mayabang. Kay HAM na schoolmate ko pero hindi ko naman kilala. Pinagtagpu-tagpo lang kaming tatlo: silang dalawa, kaming dalawa, ako at si HAM, ng regional camping sa Laguna.

Mayabang itong si HAM, oo, pero may karapatan. Siya ang pinambato namin sa Mister Pogi bilang partner ni Elaine sa isang Beauty Pageant at pareho silang nanalo. Bukod pa riyan, siya rin ang isinabak namin sa Extemporaneous Speaking contest dahil naduwag ako at panay ang tanggi ko sa mga nag-alok na maestra namin. Nagpakitang-gilas itong si HAM kaya naman siya ang itinanghal na kampeon sa patimpalak na siyang labis na ikinasiya nitong aking si Andres Bonifacio at siyang pinag-usapan namin hanggang lumalim ang gabi.

Si HAM. Si HAM. Si HAM. Si HAM. Si HA..*hikab*..M!

Gayunpaman, si HAM ang naging dahilan kung bakit ko siya nakilala.

Teammates sila sa camp yata. Hindi ko na maalala. Basta naging magkakilala sila at naging close agad sa isa't isa. Walanghiya este bibo kasi itong si HAM. Madaldal, palakaibigan, at matalino rin naman. Tsaka dahil nga siya ang aming pambatong escort, pogi raw.

Si HAM ang inutusan namin ni Aira na hingin ang cellphone number niya.

Tuwang-tuwa kami ni Aira nang wala pang sampung minuto, nai-forward agad sa amin ni HAM ang cellphone number niya. Pati yung iba pa naming schoolmate (na lalake) isinave din ang number niya. Ewan ko. Panggulo lang. Naiinggit dahil hindi sila ang pinapansin?

Bagamat pareho namin siyang gusto ni Aira, nangibabaw ang seniority complex kaya't wala na kaming dapat pang pag-usapan.

Ako ang naging textmate niya.

Dalawa o tatlong taon makalipas, nabalitaan kong schoolmate siya sa kolehiyo ng dati kong classmate noong highschool.

Nadurog ang puso ko sa aking nabalitaan.

Ang magiting kong si Andres Bonifacio, nagwagayway na umano ng banderang kulay pink. Hot pink.

Sunday, February 15

ANG PAGHALIK NI ADAN SA AKING PAANAN (A VALENTINE SPECIAL)

Itago natin siya sa pangalang Watermelon.

(Watermelon kasi hindi ko na maalala ang totoong pangalan niya.)

Mahusay magdala ng damit itong si Watermelon. Malinis siya sa kanyang pananamit. Plantsado lagi ang kanyang polo at pantalon. Makintab palagi ang kanyang balat na sapatos. Lagi rin siyang may hawak na panyo.

May bigote si Watermelon. May konting taghiyawat. Katamtaman ang kanyang tangkad.

Pero kung tatanggalin mo ang kanyang perpektong uniporme at sasabitan ng Good Morning na tuwalya sa kanyang batok, madali mo siyang maipagkakamaling kargador sa aming lumang palengke na nasunog kamakailan lamang at nang muling itinayo ay siya nang naging bagong palengke ng bayan.

Ganun siya hindi ka-guwapo sa panlasa ko.

Kaya naman laking gulat ko nang isang araw, bigla niya akong sinuyo at binigyan pa ng rosas. Hindi siya kasama sa mga naiisip kong posibleng lumapit sa akin. Masyado siyang ordinaryo. Sa sobrang ordinaryo niya, hindi talaga siya kapansin-pansin. Kaya nga siguro ngayon hindi ko man lang maalala ang pangalan niya.

Nang araw na iabot niya sa akin ang isang piraso ng rosas, nakita ko sa kanyang mga mata ang pagsusumamo. At sa loob-loob ko, kawawa naman siya. Heto't nasa harapan ko ang isang ordinaryong nilalang na nagpapahayag ng kanyang pagtangi sa maliit na paraan: isang piraso ng rosas.

Walang-imik kong tinanggap ang pa-lanta nang bulaklak.

Pag-dismiss ng klase, iniwan ko ang kanyang rosas sa aking kinauupuan sa loob ng aming classroom bago mag-uwian.

Friday, February 13

MY VERY FIRST LOVE LETTER

Grade six ako noon. First year highschool siya. Nang iabot sa akin ng kapatid ni Liezel ang sulat pagkatapos ng lunch break, nagulat ako. At dahil nagulat ako, natakot ako. At dahil natakot ako, dali-dali akong dumiretso sa classroom at nagkulong sa CR. Saka ko binuksan ang bukas na sobre ng kanyang liham at sinimulan ang pagbabasa.

Ipinakilala niya ang kanyang sarili. You can call me Scott Andrew Moffatt or Rynob for short. Hindi ko alam kung kikiligin ako ng mga sandaling 'yon dahil napansin kong mali-mali ang mga grammar niya. Sa hulihan pa ng kanyang sulat, humihingi siya ng picture with a heart-pumping dedication. Sanay na sanay sa pambobola.

Nalaman ko ng hapong 'yon na pinagawa lang pala ang natanggap kong love letter kina Eryl at Liezel, mga schoolmate ko noong elementary na kaklase ni Scott Moffatt sa highschool sa barangay namin.

Nalaman ko dahil tinanong mismo sa akin ng mga kaklase ko kung may natanggap daw akong sulat. Itong mga tsismosong 'to e walang iba kundi ang pinsan ni Leizel at kapatid ni Eryl, ang dalawang magkakuntsaba sa nasabing liham sa akin ni Scott Moffatt.

Kilala ko si Scott Moffatt. Kilala siya sa buong distrito namin dahil sa angking galing niya mapa-akademiko man o palakasan. Bibihira ang klase ng ganoong achiever at isa siya sa mga genius na 'yan. Sa mga sinasalihan niyang contest, siya lagi ang naghahakot ng award. Magkaedad kami pero advanced siya ng isang taon at laking-ginhawa iyon para sa katulad kong hypercompetitive din nang mga panahon 'yon. Dahil kung siya lagi makakalaban ko sa contest, tiyak na lalampasuhin niya lang ako.

Pormal kaming nagkakilala isang buwan bago ko natanggap ang kanyang liham.

Monday, February 9

ANG TAKONG NI CAROLYN

Noong Grade Six ako dumayo ang klase namin sa Central School para sa National Elementary Achievement Test (NEAT). Dahil nakataya ang pangalan ng iskwelahan, sumailalim kami sa matinding pagsasanay ilang linggo bago ang pagsusulit. Tinuruan kami ng aming adviser ng stratehiya para sa epektibo at pulidong kopyahan.

Si Carolyn ang naasign na maging seatmate ko.

Dumating ang araw ng pagsusulit. Pagpasok namin sa classroom, agad kaming pumwesto sang-ayon sa napag-usapan sa aming klase. Awa ng Diyos, naging maayos naman ang aming pagtupad sa tinurong stratehiya ng aming adviser dahil pati ang proctor namin ay naging mabait at considerate sa aming kopyahan. Sa katunaya'y nang mahuli ang isa naming kaklase sa pagsasagot ay kinuha ng aming proctor ang aking answer sheet at saka ibinigay sa nasabing kaklase para gayahin.

Natapos ang pagsusulit at naghanda na kami sa pag-uwi. Nang dumating na ang service na dyip, nagtakbuhan na ang lahat, nag-unahan para sa magandang pwesto sa loob ng dyip.

Maliban kay Carolyn.

Naiwan si Carolyn sa may balkonahe ng isang classroom. Naputol pala ang takong ng kanyang sapatos. Hindi niya napansin ang stampede dahil abala siya sa pagdidikit ng kanyang naputol na takong gamit ang paste.

Sunday, February 8

MGA PAUTANG INA KAYO!

Kaklase ko si Teressa noong hayskul. Minsan, nilapitan niya ako at ikinuwento ang problema ng kanyang Ate sa pang-tuition sa panibagong semestre sa kolehiyo. Isang araw, kumatok sa pintuan ng bahay namin ang nanay ni Teressa at may dala-dalang sulat. Inabot sa akin ang isang pinunit na pahina mula sa notebook kung saan nakasaad ang hinihinging pabor: Pautang ng dalawang libo. Agad kong inabot ang pera sabay taboy sa bisita dahil nakabantay si Inay. Pagsara ko ng pinto, ininterrogate ako ni Inay tungkol sa ale. Sinabi ko, "Nanay po ng kaklase ko. Umutang sa.. sa pondo ng CAT!" Unang beses kong nagsinungaling ke Inay dahil alam kong malilintikan ako pag sinabi kong allowance ko ang pinahiram ko.

Dumaan ang mga araw at ang araw ay naging linggo. At ang linggo ay naging buwan. At ang buwan ay naging taon. At ang taon ay malapit nang mag-dekada.

Nagkahiwalay na kami ng landas ni Teressa at ng kanyang Ina. Isang beses, nabalitaan kong hindi siya nakatuntong ng kolehiyo, pagkatapos ay nabuntis, at nakapangasawa ng poging binata, at marahil, ay namumuhay na ngayon kapiling ng kanyang bagong pamilya.

* * * * * * *

Isa sa malalapit kong kaibigan si Gerald noong bata pa kami. Minsan, pagkatapos ng napakahabang panahon, nagkita kami sa McDonald's. Nanghihiram siya ng tatlong daan pamasahe pauwi sa probinsya dahil nabalitaan niyang naaksidente sa motor ang kanyang kapatid at 50-50 umano sa ospital. Ipinangako niyang babayaran niya ako sa susunod na linggo. Pabiro ko siyang tinanong ng, "Sigurado ka ba?" Inalok niya pa ako na iwan sa bahay namin ang labada niya nang sa gayon ay mabalikan niya ako. Tumanggi ako dahil magulo sa bahay namin sa mga panahong 'yon.

Dumaan ang mga araw at ang araw ay naging linggo. At ang linggo ay naging buwan. At ang buwan ay naging taon. At ang taon ay malapit nang mag-dekada.

Ka-Friendster ko siya ngayon pero hindi niya ako pinapansin. Makailang beses ko siya minessage at ginawan ng Testi pero inii-snob pa rin niya ako.