Monday, February 16

ANG BADING KONG PAG-IBIG

Naaalala ko sa kanya si Andres Bonifacio.

Nagkita kami noon sa Laguna. Hindi maikakaila ang kanyang angking galing sa pananalita. Mahusay siyang ispiker. Katunaya'y sa pag-uusap namin, napag-alaman kong palagi siyang pambato ng kanilang iskwelahan sa mga pakontes gaya ng Declamation, Oration, at Extemporaneous Speaking contest. Halos marinig ko ang pagkampay ng mga pakpak ng aking puso, wari bagang nagpupumilit makalipad patungo sa kanyang kinaroroonan. Doon. Papunta sa kanyang tinitirahan.

Sa Cavite.

Naging one-sided ang aming pag-uusap: siya ang tagakuwento, ako ang tagapakinig. Pero ayos lang. Sa katunayan, nasa akin ang advantage dahil andami kong nalalaman sa kanya nang hindi na ako nangangailangan pang gumawa ng hakbang para siyang mismong magtanong sa kanya ng mga bagay-bagay na tungkol din naman nga sa kanya. Pero nang dahil din sa pag-uusap naming ito napansin kong unti-unti namang lumalabo ang aking bisyon ng isang de-kuwadrong larawan naming dalawa.

Nang matapos siyang magkuwento, saka naman niya inumpisahan ang pagtatanong. Pero sa halip na ako ang tanungin niya, ang tinanong niya ay ang mga bagay-bagay tungkol kay HAM.

Tungkol kay HAM.

Kay HAM na mayabang. Kay HAM na schoolmate ko pero hindi ko naman kilala. Pinagtagpu-tagpo lang kaming tatlo: silang dalawa, kaming dalawa, ako at si HAM, ng regional camping sa Laguna.

Mayabang itong si HAM, oo, pero may karapatan. Siya ang pinambato namin sa Mister Pogi bilang partner ni Elaine sa isang Beauty Pageant at pareho silang nanalo. Bukod pa riyan, siya rin ang isinabak namin sa Extemporaneous Speaking contest dahil naduwag ako at panay ang tanggi ko sa mga nag-alok na maestra namin. Nagpakitang-gilas itong si HAM kaya naman siya ang itinanghal na kampeon sa patimpalak na siyang labis na ikinasiya nitong aking si Andres Bonifacio at siyang pinag-usapan namin hanggang lumalim ang gabi.

Si HAM. Si HAM. Si HAM. Si HAM. Si HA..*hikab*..M!

Gayunpaman, si HAM ang naging dahilan kung bakit ko siya nakilala.

Teammates sila sa camp yata. Hindi ko na maalala. Basta naging magkakilala sila at naging close agad sa isa't isa. Walanghiya este bibo kasi itong si HAM. Madaldal, palakaibigan, at matalino rin naman. Tsaka dahil nga siya ang aming pambatong escort, pogi raw.

Si HAM ang inutusan namin ni Aira na hingin ang cellphone number niya.

Tuwang-tuwa kami ni Aira nang wala pang sampung minuto, nai-forward agad sa amin ni HAM ang cellphone number niya. Pati yung iba pa naming schoolmate (na lalake) isinave din ang number niya. Ewan ko. Panggulo lang. Naiinggit dahil hindi sila ang pinapansin?

Bagamat pareho namin siyang gusto ni Aira, nangibabaw ang seniority complex kaya't wala na kaming dapat pang pag-usapan.

Ako ang naging textmate niya.

Dalawa o tatlong taon makalipas, nabalitaan kong schoolmate siya sa kolehiyo ng dati kong classmate noong highschool.

Nadurog ang puso ko sa aking nabalitaan.

Ang magiting kong si Andres Bonifacio, nagwagayway na umano ng banderang kulay pink. Hot pink.

No comments: