Wednesday, February 25

ANG TAMPALASANG TSAA NA TINIMPLA KO SA LANGIT

Nag-absent ako sa klase nang tatlong araw dahil dadalo kami sa huling lamay at pagkatapos ay libing ni Lola sa Roxas City.

Sumakay kami sa eroplano.

Hindi ko na maalala kung ilang oras (o minuto) ang itinagal ng biyahe mula sa Maynila. Pero sapat na para alukin kami ng flight stewardess ng inumin.

Sa window side ako napapuwesto at dala na rin ng kasabikan dahil unang beses ko noong sumakay ng eroplano, siyang-siya ako sa pagmamasid sa mga nagpuputiang ulap sa ere. Sa gitna ng aking pagsa-sightseeing, dumating ang aming pagkakataon at tinawag na nga ang aming pansin ng nagtatanong na flight stewardess.

"Coffee, tea or juice?"

Nakigaya lang ako sa mga kapatid ko at iniabot naman ng mabait at nakangiting stewardess ang aking inorder. Isang styrofoam na baso at isang "pakete ng kung anu-ano" na naglalaman ng table napkin, toothpick, creamer, etcetera.

Agad kong binuksan ang "pakete ng kung anu-ano" at inilatag ang table napkin sa aking maliit na mesa. Pagkatapos ay binuhos ko ang creamer sa aking styrofoam na baso at kinuha ang stirrer at nagsimulang maghalo.

Saka ako nagmadaling tikman ang aking natimpla.

Napaso ang aking dila sa unang paglapat ng likido kaya dikta ng instinct, agad kong hinipan ang aking styrofoam na baso.

Sa ikalawang pagkakataon, tinikman kong muli ang aking inumin, pero siyempre marahan na at may buong pag-iingat. Naka-adjust na ang aking dila sa temperatura at nag-umpisa nang gumana ang sensasyon nito.

Nalasahan ko na ang tsaa.

Nakita ng mga kapatid ko ang aking hitsura. Hindi ko na ito nagawang itago dahil ewan ko, nagulat din siguro ang utak ko. Tinanong nila ako. Inusisa at ipinagpaliwanag. Saka sila naghagalpakan sa tawa.

Tinanggap ko nang buong puso ang aking pagkatalo at inubos ang lintik na inumin na nagdulot ng labis-labis na kahihiyan sa akin bago pa man tuluyang lumapag sa aming destinasyon ang eroplano.

"Alam mo ba kung anong ininom mo?"

...

"Tea with cream!"

3 comments:

Yas Jayson said...

haha kakatuwa.

ayun, link na kita. ;)

Yas

Yaiboy said...

Sa Roxas din lumaki yung erpats ko pero isang beses palang ako nakakapunta dun... at 4yrs old pa ako nun. Haha!

Napadaan lang din mula kay N-Trophy. :)

Yaiboy
http://sillyoneliners.blogspot.com

Asusmaryosep! said...

yas, salamat sa pag-link!

Yaiboy, salamat sa pagdaan. kumain ka ba ng batchoy?


i-li-link ko na rin kayo, ha. ;-)